Trak at SUV, nagsalpukan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 07:30 AM

Nagsalpukan ang isang cargo truck at isang sport utility vehicle sa Novaliches, Quezon City Huwebes ng madaling araw.

Laglag ang bumper ng cargo truck at wasak naman ang harapan ng SUV sa banggaan.

Hindi naman nasaktan ang dalawang drayber at ang 2 pang sakay ng SUV.

Kuwento ng drayber ng cargo truck na si Aries Enriquez, pakaliwa na siya sa Quirino Highway nang makasalubong ang SUV na patungo naman sa Susano Road.

"Naka-go na stoplight ko. Nakatigil na nga 'yung kotse diyan na isa," aniya.

"Pagkaliwa ko, mabilis siya galing dito. Umo-overtake. Go daw sa kanya. 'Yun sumalpok diyan."

Giit naman ng drayber ng SUV na si Amiel Dela Cruz na naka-go sa kanya ang traffic light.

"Makikita naman 'yan sa kamera," aniya.

Isasailalim naman sa alcohol test ang drayber ng SUV.

"Sa sinabi niya kanina, parang nakaidlip daw po siya," ani PO1 Romar Grafil ng Quezon City Traffic Sector 2.

Nagdulot ang aksidente ng bahagyang traffic sa Quirino Highway. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.