Tacloban, walang aning bulaklak sa Valentine's dahil sa 'Urduja'

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 06:52 PM

Umaaray ang mga nagtatanim ng bulaklak sa ilang bayan sa Tacloban City dahil imbes na kumita ngayong papalapit na Valentine's day, mga dahon lang ang naiwan sa kanila dahil sa salanta ng bagyong "Urduja."

Puro dahon at wala nang makikitang bulaklak sa mga flower farm sa barangay Utap, Tacloban City.

Sabi ng mga nagtatanim ng bulaklak, sinalanta ng Urduja ang kanilang mga pananim noong Disyembre, na nasundan din ng ilang araw na pag-ulan sa siyudad nitong Enero.

"Binaha kasi rito noong bumagyo. Problema nga namin ito ngayon pero wala tayong magagawa kasi kalooban na siguro 'yun ng Diyos," ani Soledad Homeres, isang sa mga nagtatanim ng bulaklak.

Ngayong Pebrero, wala silang aanihing bulaklak para sana sa Valentine's day.


    
Ang ilan sa kanila, nagdesisyong bumili na lang mula Cebu o Maynila. Bilang resulta, maaaring mas mahal ang kanilang benta dahil sa dagdag-gastos sa pag-aangkat. 

"Kung sariling ani namin 'yung bulaklak, mura lang kapag ibinenta namin. Ngayon kasi mag-aangkat na kami, mas mahal...Apektado ang hanapbuhay namin pero wala naman kaming magawa," ani Mang Bernabe.

Umaasa ang flower farmers sa Tacloban na gumanda na sana ang panahon para maayos na makapamulaklak ang kanilang mga tanim.

Inaasahan nilang maha-harvest ito sa Marso o Mayo.
    
--Ulat ni Melanie Bingco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.