'Nakatakdang eleksiyon, di maaantala dahil sa cha-cha'

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 10:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv
 
Tinuldukan na ni Senate President Aquilino "Koko" Pimentel ang mga haka-hakang mawawalan ng eleksiyon sa susunod na taon dahil sa charter change (cha-cha) na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"There will be scheduled elections," saad ni Pimentel sa book launch ng PDP-Laban Federalism Institute nitong Huwebes. 

Depende raw sa emyenda, malamang ay sa halalan 2019 umano isasabay ang anumang plebisito sa cha-cha dahil gahol na sa oras para ipaloob ito sa Mayo 2018 barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Pareho ang posisyon ni Pimentel at ng Palasyo.

"[T]he President has no interest to extend his term nor will he push for no election...The creeping dictatorship that, the Catholic hierarchy fears, is a far-fetched idea," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Umaasa si Pimentel na may rekomendasyon na ang Senate committee on constitutional amendments sa susunod na dalawang buwan.

Ito't matapos mangako ng chairman ng komite nitong si Senador Francis "Kiko" Pangilinan na hindi niya uupuan ang panukala.
    
Pederalismo, magpaparami sa mga 'village tyrants' 

Sa pagdinig naman ng Senado ukol sa cha-cha, nagbabala ang isang dating mahistrado ng Korte Suprema na dadami ang diktador sa bansa sa ilalim ng pederalismo.

"The danger of village tyrants and village dictators is far more probable in a federal system than the development of a national dictator," ani retired Supreme Court Justice Vicente Mendoza.

Pero pinuna ng dalawang miyembro ng consultative committee ang pananakot ng mga kontra cha-cha.

"I think it's the height of hubris to claim that one has the best [Constitution]...Let us not mislead the people by propagating a politics of fear," ani Julio Teehankee.

Tila may sagot din ang isang miyembro ng 1986 Constitutional Commission na sumulat ng 1987 Constitution kay dating Chief Justice Hilario Davide na nagsabing isa sa "the best" na saligang batas ang ginawa nila at "leap to hell" daw ang pederalismo.

"There's no such thing as a perfect Constitution...The 1987 Constitution is 30 years old. Has it effectively reduced poverty, income equality, and corruption?" tanong ni dating ASEAN ambassador Wilfrido Villacorta. 

Inaasahan ni Pimentel na magsusumite ang consultative committee ng isang draft Constitution na posibleng isama ng Kongreso sa isasalang sa plebisito.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.