Inabangan? Negosyante, patay sa pamamaril sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 07:30 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaghahanap ng pulisya ang bumaril at pumatay sa isang negosyante sa Quezon City.

Linggo nang malapitang barilin si Alfredo Gonzales Jr. habang sakay ito ng motorsiklo at nakatigil sa gilid ng kalsada sa bahagi ng Aurora Boulevard at EDSA. Hindi pa kilala ang salarin. 

Sa kuha ng CCTV sa insidente, makikitang nakuha pang makatayo ng biktima matapos barilin.

Humingi ito ng tulong sa mga dumadaang motorista bago biglang bumulagta at bawian ng buhay.

Ayon sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), lumalabas na planado ang krimen.

"Mga 30 minutes na siyang (salarin) naka-stay doon na may hinihintay siya, may kausap siya," ani Senior Inspector Elmer Monsalve, pinuno ng QCPD Homicide Division.

Hindi naman matanggap ng pamilya ni Gonzales ang sinapit ng biktima.

Hinala ng isang kaanak ng biktima ay may galit kay Gonzales dahil nagpapautang umano ito.

"Ang business niya is nagpapautang siya eh, may mga napapahiram siya doon tapos siyempre may mga argumento na hindi nabayaran kaagad," anang kaanak ng biktima.

Naglabas ng composite sketch ng gunman ang QCPD batay sa salaysay ng ilang testigo.

Nananawagan silang ipagbigay-alam sa QCPD-CIDU (921-6146) sakaling may impormasyon sa salarin.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.