'Hazardous chemical' na itatapon sana sa ilog, nasabat sa Laguna

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 04:56 AM

Nasabat ng otoridad Martes ng gabi ang nasa 20,000 litro ng hinihinalang hazardous chemical na tangkang itatapon sa isang ilog sa Cabuyao City, Laguna.

Inaresto ang dalawang lalaki na may dala ng tanker na sina Ernesto Torres Jr. at Aquilino Urboda, mga empleyado ng isang truck rental service company.

Base sa imbestigasyon, naaktuhan ang tanker na itatapon ang hinihinalang hazardous chemical sa ilog ng Barangay Butong alas-11 ng gabi.

"Napansin namin 'yung truck na kahina-hinalang biglang liko sa madilim na lugar. So, sinundan namin, tiningnan namin kung ano 'yung mga activies na ginagawa at dun sa pagbabantay namin, dun namin nakitang may nilabas silang hose," ani Chief Insp. Daniel Yema ng Criminal Investigation and Detection Group - Calabarzon.

Depensa naman ng mga hinuli, wala silang alam kung ano ang laman ng tanker dahil ni-re-rentahan lang umano sila ng isang kompanya.

Posible silang masampahan ng kasong paglabag sa Republic 3931 o National Water and Air Pollution Control Commission Act.

Nasa kustodiya ngayon ng CIDG ang tanker. 

Nagpadala na rin sila ng sample ng nasabat na kemikal sa Department of Environment and Natural Resources para ipasuri ito.

Pinauwi naman muna sa sina Torres at Urboda habang naghihintay ng resulta. Nakatakda silang ihaharap sa piskalya kasama ang nakuhang ebidensya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.