Dating nobya, suspek sa pagpatay, panununog sa sarhento

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 06:16 PM

Binaril at sinunog sa loob ng kaniyang sasakyan ang isang miyembro ng Philippine Air Force sa Cebu nitong Miyerkoles, Enero 31. 

Suspek sa krimen ang dating nobya ng biktima at ang bagong nobyo nito.

Positibong tinukoy ng mga kaanak ang nasunog na bangkay bilang si Sergeant Mark Herbert Oberes ng Philippine Air Force.

Gabi ng Miyerkoles nang unang makatanggap ng report ang Talisay City police ukol sa isang pamamaril sa Sitio Isla Verde sa Barangay San Isidro.

Pagdating ng pulisya sa lugar, hindi na nila inabutan ang biktima na isinakay umano ng mga di pa nakikilala noong salarin sa isang sasakyan paalis sa lugar.

Pero ayon sa mga residenteng nakakita sa insidente, pinalo pa ng pala ang biktima bago pinagbabaril ng ilang beses.

Nang matumba ang biktima, saka umano siya isinakay sa puting sasakyan.

Umaga nitong Huwebes, pinuntahan naman ng Carcar City police ang ini-report sa kanilang sinunog na kotse sa Barangay Valencia.

Courtesy: Carcar City PNP
Courtesy: Carcar City PNP
Courtesy: Carcar City PNP

Nagtugma ang description ng sasakyan sa pinagsakyan sa binaril na lalaki.

Basa sa salaysay ng ilang residente sa lugar, bandang alas-10 ng gabi ng Miyerkoles nang dumating ang puting sasakyan kasabay ang isa pang sasakyan.

Ayon sa isang konsehal ng Carcar City, may nakita rin ang mga residente na dalawang babaeng bumaba sa sasakyan at lumipat sa kabilang sasakyan bago sinunog ang sasakyang kung nasaan ang binaril na lalaki. 

Tinangka rin daw ihulog ang sasakyan sa bangin pero sumabit sa isang puno kaya hindi tuluyang dumausdos.

Ayon sa Talisay City police, nakadestino sa Mactan Benito Ebuen Air Base at taga-Sangi, Lapu-Lapu City ang biktimang si Oberes. 

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang ex-girlfriend ni Oberes at ang bagong nobyo nito na mga suspek sa pagpatay at panununog.

Tinutugis pa rin ang dalawa nilang kasamahan umano.

Narekober ang sasakyan ng mga suspek.

Inaalam pa ang motibo sa pagpatay at sinisiyasat din ng pulisya ang mga kuha sa CCTV ng insidente.


-- Ulat nina Carine Era Asutilla at Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.