4 patay sa salpukan ng 10-wheeler truck, mga motor sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 04:45 PM

Sumalpok ang isang 10-wheeler truck sa tatlong motorsiklo sa Makilala, North Cotabato nitong Huwebes. Kuha ng Makilala Police

Patay ang 4 katao matapos sumalpok sa isang 10-wheeler truck ang kanilang sinasakyang mga motor sa bayan ng Makilala, North Cotabato nitong Huwebes ng umaga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck at possibleng nawalan ng preno.

Una nitong nahagip ang isang SUV pagkatapos ay inararo ang 3 motorsiklo na nasa harap ng SUV.

"Galing sa Davao City ang truck dapat kasi nasa right way siya tapos napunta siya doon sa left lane, doon niya na nahagip yung SUV tapos yung mga motor sa unahan ng SUV nabangga niya. May nakakita na tumakas yung driver,” ani Chief Insp. John Medel, hepe ng Makilala Police.

Apat ang patay sa aksidente na patuloy pang kinikilala ng pulisya habang tinutugis ang driver ng truck.

Paalala ng mga awtoridad sa mga motorista, mag-ingat sa pagmamaneho para iwas disgrasya, lalo pa’t maraming road construction sa probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.