3 magkasunod na aksidente, naitala sa Rizal

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 07:33 AM

Tatlong sunod-sunod na aksidente ang naitala sa Cainta, Rizal Miyerkoles ng gabi matapos tumumba ang mga poste.

Bumagsak ang 2 poste sa likurang bahagi ng isang pampasaherong jeep matapos sumabit ang mga kable nito sa dumaang trak.

Wala namang nasaktan sa mga pasahero ng jeep.

"Napatalon na lang kami. Hanggang ngayon, kinakabahan ako," ani Reynaldo Desor, isa sa mga pasahero.

Ilang sandali pa lamang ang nakalipas, sumabit naman ang isa pang trak sa nakalaylay na kable.

Nahila nito ang mga bumagsak na kable at kinaladkad ang naka-park na police service.

At nang inakalang tapos na ang serye ng mga aksidente, siya namang pagbagsak ng 2 traffic enforcer matapos mahila ang mga kable nang sumabit ang isa pang trak.

Nag-aayos noon ng kable ang dalawa sa ibabaw ng trak.

Nagdulot ang aksidente ng pagbigat ng trapiko na umabot hanggang EDSA.

Naantala lalo ang trapiko kapag may daraang malaking trak.

Samantala, patong-patong na kaso ang kakaharapin ng mga drayber ng trak na nasangkot sa magkakahiwalay na aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.