Gusali sa Cavite Economic Zone, nasusunog

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2017 07:45 PM | Updated as of Feb 02 2017 02:03 AM

 

53 katao sugatan sa sunog sa Cavite Economic Zone 

(2nd UPDATE) Tinupok ng apoy ang isang gusali sa Cavite Economic Zone sa Rosario, Miyerkules ng gabi.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang apoy sa HTI Panel building, isang pabrika, 6:20 ng gabi, at agad na iniangat sa ikatlong alarma.

Itinaas ang sunog sa Task Force Charlie bandang alas-9 ng gabi.

Ayon sa isang fire volunteer mula sa EPZA Fire Station, patuloy pang lumalakas ang apoy. Nadamay na ang isang pabrika kung saan matatagpuan ang mga kahoy na ginagamit sa paggawa ng bahay.

Ayon sa pinakahuling tala mula sa Public Information Office ng Rosario, 53 katao ang sugatan sa nasabing sunog.

Dinala ang mga sugatan sa Divine Grace Medical Center sa Andres Soriano Highway, General Trias, Cavite.

Sa panayam naman ng DZMM kay Gov. Boying Remulla ng Cavite, umabot na umano sa mahigit 100 katao ang dinala sa mga pagamutan dahil sa sunog.

Nilinaw rin ni Remulla na wala sa jurisdiction ng lalawigan ng Cavite and Cavite Economic Zone dahil sakop ito ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Patuloy na inaapula ang sunog.