TEL AVIV - Pursigido ang Pilipinas at Israel na patatagin pa ang kalakalan ng dalawang bansa ngayong taon.
Sa pakikipagpulong kamakailan ni Philippine Ambassador to Israel Pedro Laylo, Jr. sa mga opisyal ng Federation of Israeli Chambers of Commerce (FICC), tinukoy ng grupo ang partnerships na maaring mabuo sa kalakalan.
May mahigit 5,000 kasaping kumpanya at firms ang FICC. Ito ang pinakamalaking business organization sa Israel.
(Mula kaliwa) Third Secretary Teri Adolf. Bautista, DCM Mandap, Ambassador Laylo, Ze’ev Lavie, FICC Director for International Relations and Business Development, Sharon Mermelstein, at incoming Israeli Embassy in Manila Consul Ester Buzgan. (Tel Aviv PE photo)
Ayon kay Ze’ev Lavie, FICC Vice-President para sa International Relations at Business Development, hangad nilang tanggalin na ng Israeli government ang import barriers sa pagitan ng dalawang bansa upang mas marami pang maangkat na produkto ang Israel sa Pilipinas, partikular na ang food products.
Sa tala ng Israeli Ministry of Economy and Industry, umabot sa 106.6 million USD ang halagang inangkat ng Israel sa Pilipinas noong 2019.
Mga electronic equipment, medical devices, food at processed food products, plastic, rubber at iba pang consumer goods ang karaniwang binibili ng mga Israeli sa Pilipinas.
(Mula kaliwa patungong kanan) DCM Mandap, Ambassador Laylo, FICC President Uriel Lynn, FICC Business Development Executive for Asia and the Pacific, Or Nehushtan, Consul Buzgan, at Third Secretary Bautista. (Tel Aviv PE photo)
Umabot naman sa halagang 231.4 million USD ang total export ng Israel sa Pilipinas. Ang Pilipinas na ngayon ang ikatlong export destination ng Israel sa buong South East Asia.
Sa pagsigla muli ng ekonomiya ng dalawang bansa dahil sa pagluluwag ng pandemic restrictions, inaasahan ng FICC at embahada na mas madaragdagan pa ang kalakalan ng Pilipinas at Israel.
Makikipagtulungan naman ang FICC sa Philippine Embassy upang pagtagpuin ang Filipino companies at Israeli partners para sa mga negosyo sumasaklaw sa digital transformation, Financial Technology, at Agriculture Technology.
Pinasalamatan naman ni Ambassador Laylo ang FICC sa pagsuporta sa trade events at investment promotion activities ng embahada. Mas magiging madalas na rin daw ang business matching at networking sessions sa pagitan ng Filipino at Israeli business firms.
Binigyan ng regalo ni Ginoong Ze’ev Lavie si Ambassador Laylo, (Tel Aviv PE photo)
Tiniyak naman ni FICC President Uriel Lynn na patuloy na susuportahan nila ang trade and business events ng Philippine Embassy sa Tel Aviv.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Israel, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.