PatrolPH

Paghihigpit 'di na kailangan kahit COVID-19 international emergency pa: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2023 05:11 PM | Updated as of Jan 31 2023 07:41 PM

Bagaman nananatiling global health emergency ang COVID-19, hindi na kailangang bumalik sa dati kung saan labis ang paghihigpit laban sa sakit, sabi ngayong Martes ng Department of Health (DOH).

"We will be guided by WHO (World Health Organization) kasi international pero dito sa atin we can see that our cases are already manageable, our citizens have adopted the good behavior in wearing masks," ani DOH Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire.

"We abide by the global declaration of public emergency but it doesn't mean that we are still under that state where restrictions will be there and other implications of public health emergency will be there," aniya.

Binitawan ni Vergeire ang pahayag matapos sabihin ng WHO na nananatiling international emergency ang COVID-19 pandemic.

Aminado ang DOH na walang opisyal na paraan ang gobyerno para malaman kung gaano talaga karami ang bilang ng mga may COVID-19 sa Pilipinas.

Marami na kasi ang pinipili na mag-self test gamit ang antigen o hindi na talaga nagte-test.

Ang ginagamit na basehan ngayon ng DOH ay ang mababang bilang ng mga naoospital at namamatay.

Ang patuloy na pinagsisikapan umano ng DOH ay ang pagpasok ng mga hakbang kontra COVID-19 sa mga karaniwang programa ng pamahalaan, kabilang ang patuloy na pagbabakuna.

Inaasahan umanong darating sa Pilipinas ang unang batch ng bivalent vaccines sa katapusan ng Marso.

Samantala, sa panayam ng ABS-CBN News Channel, sinabi ni Vergeire na matapos ang 6 na buwang panunungkulan bilang OIC ay handa na siyang maging kalihim ng DOH.

"I am ready. The hesitancies are there but sa tingin ko baka kailangan ako ng Pilipino," aniya.

Nakita niya kasi mismo ang mga pinagdadaanan ng mga Pilipino sa komunidad at oportunidad para pangunahan ang ilang pagbabago.

Pero aminado siyang hindi nawawala ang ilang agam-agam.

"The hesitancy will always be there. There are a lot of issues, lot of considerations. But syempre, mananaig pa din ang gusto mong gawin at sa tingin ko, I've reached that point that ito na time na 'yong time para makatulong talaga ako para sa ating bansa," ani Vergeire.

Nilinaw ni Vergeire na hindi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kailangan lumapit sa kaniya para ialok ang posisyon ng pagiging kalihim. Siya umano mismo ang makikipag-usap kay Marcos para ialok ang sarili sa posisyon.

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.