TFC News

Chef noon, bag designer na ngayon sa Barcelona

Sandra Sotelo Aboy | TFC News Spain

Posted at Jan 31 2023 09:03 AM

BARCELONA - Bumida ang mga matitibay, classy at bonggang bags ni Bernie Velasco, ang Pinoy bag designer na gumagawa ng pangalan sa Spain.

Gawa sa authentic Spanish leather at handmade ng Spanish-Catalan artisans ang kanyang bags. Bawa’t disenyo ng bag, may kalakip na kwento ng kanyang buhay at pangarap.

bonga
Si Bernie Velasco at ang kanyang bag creations

“Since nung nag-aaral ako ng elementary at high school ‘di ako nagkaroon ng bagong bag so gumagamit ako ng brown envelope, kung alam n’yo yung fishnet na rainbow color, isa rin yun sa mga ginamit ko na bag,” sabi ni Bernie Velasco, Barcelona-based bag designer.

Kwento pa ni Velasco madalas daw siyang pinagkakatuwaan ng kanyang mga kaklase noon, tinatanggal ang hibla ng fishnet. Kaya sa kanyang pag-uwi hindi niya raw nararamdaman habang siya’y naglalakad, nalalaglag na pala ang kanyang mga notebook at aklat sa putikan.

Ang mga nangyari sa kanyang kabataan noon ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon para maging bag designer.

“Sabi ko sa sarili ko gagawa ako ng sarili kong bag. Ngayon after 40 years, nagkatotoo naman sya at nandito tayo ngayon para i-celebrate ang aking creation. Hindi ko lang ginawa ito para akin, para sa ating lahat,” dagdag ni Velasco.

Ginanap ang exhibit sa Philippine Consulate sa Barcelona kung saan marami ang na-inspire sa kanyang creations.

“Sana keep up the good work at sana umangat sya,” sabi ni Alona Bondoc, residente ng Barcelona.

“Yung quality niya ay talagang hindi malayo sa isang may kalidad at mamahaling bag dito sa Barcelona,” sabi ni Dra. Eve Ramos, residente ng Barcelona.

Maging ang ibang mga lahi ay bumilib kay Velasco gaya ng isang Colombian designer.

(Isinalin sa Filipino mula Espanyol) “Namumukod-tangi ang kalidad ng kanyang mga bag at gayundin ang passion na ibinubuhos nya sa paggawa ng mga ito. Napakahusay ng kalidad, klasiko ang mga disenyo at naiiba, “ sabi ni Aroa Sanchez, Colombian designer.

Nagtatrabaho bilang chef si Velasco, pero nitong pandemya ibinuhos niya ang kanyang panahon para tapusin ang kanyang bag creations.

Nilaro ni Velasco ang kanyang brand name na hango sa kanyang palayaw na “Bong” at ang Tagalog slang na “bongga” na ang ibig sabihin ay flamboyant o extravagant.

“Ang misyon talaga ng bag is to share the feeling of luxury, the feeling of having the leather bags in an affordable budget, inexpensive budget,” sabi ni Velasco.

Kasama sa exhibit ang mga pouch at tool bags para sa mga chef bilang pagkilala sa kanyang propesyon.

Isusunod daw niyang ididisenyo ang kanyang seasonal bag collections.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Spain, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.

KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more News on iWantTFC