PH Genome Center handang tumulong sa paghahanap ng lunas vs bagong coronavirus

RG Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2020 06:26 PM | Updated as of Jan 31 2020 07:23 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Wala pang 10 taon ang Philippine Genome Center (PGC), isang modernong pasilidad sa ilalim ng University of the Philippines (UP) na nag-aaral ng genome o genetic material ng living organisms.

Pero sa kabila nito, handang-handa ang institusyon na tumulong na pag-aralan at hanapan ng lunas ang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).

Ang naturang coronavirus na kasalukuyang kumakalat sa iba't ibang bansa ay isang bagong uri na nagmula sa Wuhan, isang siyudad sa Hubei province ng China, kung saan talamak ang bentahan ng wild animals. 

Sinasabing nanggaling sa hayop ang 2019-nCoV ARD na napasa lamang sa tao sa pamamagitan ng pagkain sa infected na species. 

Noong Huwebes, nakumpirma ang unang kaso ng novel coronavirus sa bansa.

PAGSUSURI NG SAMPLES

May P1 bilyon ang ginastos ng gobyerno sa pasilidad at training ng PGC kaya handa umano sila na tumulong sa mga ganitong klaseng sitwasyon. 

"'Yung primary aim niya magtulong sa ating mga researcher in matters of national emergency na hindi na natin papadala 'yung mga sample natin to identify certain things abroad," ani Dr. Cynthia Saloma, executive director ng PGC. 

Kapag binigyan sila ng samples mula sa mga "patients under investigation" o PUI, isasailalim ito sa pagsusuri gamit ang modernong makina na nasa loob ng isang pressurized na laboratoryo na tanging mga dalubhasa lang ang may access.

Dito makukumpirma kung ang sample ay positibong ang bagong coronavirus o hindi. 

Magagawa ito sa pamamagitan ng sequencing na siya ring puwedeng basehan ng lunas o bakuna.

"Kapag nakuha na namin 'yung series of letters na 'yun... we will actually be able to compare naman sa ibang mga coronaviruses tapos since... [it] also contains information na puwede nating gawin ang vaccine development," sabi naman ni Dr. Benedict Maralit, program director of the PGC sequencing core laboratory. 

Ayon sa PGC, sa loob lang nang 2 araw ay makukuha na ang resulta ng kanilang pagsusuri at puwede rin nilang malaman ang pinagmulan at mutation ng mga virus.
    
Noong isang linggo ay sinabi ng Department of Health (DOH) na ipinapadala pa sa Australia ang mga sample ng mga PUI para makumpirma kung novel coronavirus nga ang kanilang sakit. 

Pero ngayon ay nagagawa na rin ito sa bansa matapos makakuha ng confirmatory test kits ang DOH. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.