Mga residente ng Ilocos Norte, naghahanda na kontra 2019-nCoV

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2020 02:45 AM

Matapos makumpirma ang unang kaso ng novel coronavirus o 2019-nCoV sa bansa, naging mas mahigpit na ang mga taga-Ilocos Norte para maging ligtas sa naturang virus. 

Ayon sa ilang mga botika, nagkakaubusan na ng mga face mask sa lugar dahil tuwing nalalaman ng mga konsyumer na may panibagong stock ay agad nila itong pinapakyaw.

“Nag-start po noong Taal Volcano tapos yung [novel] coronavirus,” ani Joan Agustin, saleslady sa isang botika.

Ilang mga botika rin ang nagpahayag na sa Biyernes pa darating ang mga stock ng face mask ngunit lilimitahan na daw nila ang pagbebenta nito. 

Para hindi rin umano magkaubusan, nagtaas na rin ang presyo mula sa mga supplier.

“Maximum ng 1 box kung gusto nila mayroon din naman 'yong patingi-tingi po, pira-piraso,” ani ng may-ari ng isang botika na si Al Laurin.

Sa ilang mga department store naman, mga cloth face mask na rin ang benta. “Dati hindi naman mabili ito pero ngayon mabili na,” ani ng saleslady na si Veronica Dosono.

May mga libreng sanitizer at alcohol na rin na pwedeng gamitin ng mga pasahero ng Laoag International Airport.
 
Inihahanda na rin ng Bureau of Quarantine, ang kanilang thermal scanner dahil sa pakiusap ng provincial government ng Ilocos Norte na dapat ma-monitor din ang mga dumarating sa paliparan.

Paglilinaw naman ng provincial health office, wala pang kaso ng novel coronavirus sa lalawigan, taliwas sa kumalat na balita na umano’y dalawang batang pinaghihinalaang may virus.

“So far Ilocos Norte is still coronavirus free,” paliwanag ni Dr. Josephine Ruedas, provincial health officer ng Ilocos Norte.-May ulat ni Ria Galiste, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.