Ilang sinalanta ng Taal Volcano mas piniling mamalagi sa evacuation centers

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2020 05:30 PM

MAYNILA — Marami pa ring mga residente sa Batangas ang mas minabuting mamalagi sa evacuation centers sa kabila ng abisong maaari na silang bumalik sa mga tahanan basta't labas sa danger zone ng Bulkang Taal. 

Ayon sa mga nagpaiwan, wala pa kasing kasiguraduhan na hindi na muling puputok ang bulkan. 

Maaalalang umabot sa alert level 4 ang Bulkang Taal dahil sa posibilidad ng mapanganib na pagsabog pero noong isang linggo ay ibinaba na ito sa level 3.

Ang mga residenteng nasa loob ng 7-kilometrong paligid ng Taal Volcano lamang ang hindi pinayagang bumalik sa kanilang mga bahay. 

Ang pamilya Palucalan, sinabing mas ligtas pa rin ang kanilang pakiramdam sa evacuation center. 

"Sira mga school, biyak po ang lupa, eh tabingi po bahay namin, wala ring tubig, kuryente," hinaing ni Rica Palucalan, na taga bayan ng Agoncillo. 

Ikinatatakot din ng mga residente ang maya’t maya pa ring paglindol.
     
Pero dahil gagamitin na sa Lunes ang mga eskuwelahan para sa muling pagbubukas ng klase, inilipat na ang mga evacuee sa ibang barangay.

Minadaling tapusin ang regional evacuation center kung saan 100 pamilya mula sa mga bayan ng San Nicolas, Agoncillo, at Laurel ang mamamalagi.

Dalawang palapag ang regional evacuation center, may sariling infirmary at pharmacy. Mayroon ding laundry building at may malaking tangke ng tubig at may suplay ng kuryente.
    
Malaki rin ang banyo at shower area para sa mga babae at lalaki.
 
Sa tala ng Batangas disaster office, nasa 11,000 na residente pa ang nananatili sa mga evacuation center.
    
—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.