Face masks sa Bacolod City, nagkakaubusan na rin

Yasmin Pascual-Dormido, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2020 05:15 PM

Nagkakaubusan na ng face mask sa mga botika sa Bacolod City, isang araw matapos ianunsiyo ng Department of Health ang unang kumpirmadong kaso ng 2019 Novel Coronavirus sa bansa.

Hindi lamang N95 masks ang out of stock ngayon sa Bacolod City dahil wala na ring mabibili na mga disposable surgical mask sa mga botika sa siyudad.

Ayon sa pharmacy assistant na si Emie Tabara, lalong dumami ang mga naghahanap ng face mask Huwebes ng hapon, pagkatapos ianunsiyo ng Department of Health ang kauna-unahang kaso ng 2019 Novel Coronavirus sa Pilipinas.

Isa si Andy Mortel sa mga nagpalipat-lipat ng botika sa Lacson Street para lang makabili ng face mask. 

Pero bigo siya, tulad ng 67-anyos na si Gil Labatorio na walang nabili sa apat na drug store.

Ang isang botika sa tapat ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital, naglagay na ng karatula na wala nang mabibili na face mask.

Samantala, mag-iisang linggo nang walang stock na face mask sa botika sa Burgos Street. Ayon sa pharmacy assistant na si Jenesa Mendoza, kinansela na ng kanilang supplier ang lahat ng order dahil kulang talaga ng stocks.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.