Bangkay ng lolo, natagpuan sa ilog sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2020 01:59 AM

Natagpuang palutang-lutang sa ilog ang katawan ng isang 69 anyos na lolo sa Guagua, Pampanga na pinaghahanap nito pang Miyerkoles.

Ayon kay Rafael Gerona, team leader ng Sagip Ilog Guagua, abala sila sa paglilinis ng ilog at nakita nila ang akala nila’y basura.

"’Yong mga kasamahan ko, naghihila sila ng lambat, nang may makita silang may umaalab-alab sa tubig, na damit, kukunin sana nila, tao pala," ani Gerona.

Sa pagdating ng ilang kaanak, positibong kinilala ang biktima na si Rotillo Cunanan na mula sa Barangay Becuran, Sta. Rita.

Ayon sa pamangkin nitong si Jenny, Miyerkoles pa ipina-blotter ang pagkawala ng biktima na napag-alamang may Alzheimer's disease. 

"Umalis po siya ng 3 p.m. po sa kanila. Ngayon hinanap po nila binlotter namin sa mga police station," aniya. 

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, posibleng napadaan sa lugar ang biktima at aksidenteng nadulas sa ilog base na rin sa mga sugat at galos nito sa kamay at ulo.

"Sa pagkakakita natin sa bangkay, wala naman tayong nakikitang foul play," ani Police Lt. Col. Manny Calma ng Guagua Police.

Paalala ng mga awtoridad, huwag hayaang umalis o gumala mag-isa ang mga kaanak lalo na kung may iniindang karamdaman.-Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.