PatrolPH

ALAMIN: Paano naipapasa ang Wuhan coronavirus?

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2020 06:35 PM | Updated as of Jan 31 2020 08:09 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Patuloy na binabantayan ang pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus.

At ngayong naitala na ang unang kaso ng bagong coronavirus sa bansa, nag-abiso ang ilang public health experts ukol sa pagpasa at pag-iwas dito.

May bantang mahawa sa bagong coronavirus kapag nagkaroon ng "close contact" sa taong may nasabing sakit, ayon kay Dr. Susan Mercado.

Madalas ding kumalat ang virus kapag nakalanghap ng hanging inubuhan o binahingan ng isang may bagong coronavirus.

"[Kapag] mga 2 to 3 feet away at kayo naubuhan ng taong may sakit nito, maaari mong malanghap. Ang sakit na ito ay hindi airborne. Kailangang dala-dala siya ng tao, dapat may carrier. Dependent siya sa tao," ani Mercado.

Nakukuha rin ang sakit kapag nahawakan ang isang bagay na nakontamina ng respiratory droplets ng taong may coronavirus.

Mas matagal namang mabubuhay ang virus kapag dumikit ito sa mga lugar at gamit na may mababang temperatura, maging sa bakal, ayon kay Health secretary Francisco Duque III.

"The 2019 novel coronavirus may survive on metal and other surfaces outside of the human body, especially at lower temperature," ani Duque.

Kaya payo ni Duque, tamang ipanglaban kontra sa sakit ang paggamit ng sabon at alcohol. Dapat din aniyang maging maingat sa mga bagay na hinahawakan.

Huwag ding hawakan ang mata, ilong o bibig kapag hindi pa naghuhugas ng kamay.

Payo naman ni Mercado, magsuot lamang ng face mask kapag pupunta sa matataong lugar. Iwasan din aniyang galaw-galawin ito at dapat pinapalitan matapos ang ilang oras.

"Ang mask hindi puwedeng gamitin nang 7 days. Within 2 to 3 hours lang, 'pag nabasa na po 'yan ng laway niyo, maaari nang kapitan ng mikrobyo. so palit kayo ngayon," ani Mercado.

"Ang N95 mask you can use for a longer period of time. dapat within a day, twice mo lang gamitin. pag ginalaw mo, papalitan mo."

Nakiusap naman si Mercado na gumamit na lamang ng mga surgical mask para hindi maubusan ng N95 masks ang mga health worker na higit na nangangailangan nito.

"'Yong mask, N95 mask para na lang sa mga ospital yan, mga nurse na kumukuha ng blood, temperature... Importante sa health workers. Sa pangkaraniwang tao, 'pag kayo ay sasakay ng LRT, siksikan, pwedeng magsuot ng mask," ani Mercado.

Pinayuhan din ang mga taong may sakit na kumain nang masustansiya at magpalakas ng immune system.

Dapat ding magtakip ng ilong at bibig kapag uubo at laging magsuot ng face mask para hindi makahawa ng iba.

Watch more on iWantTFC

PAGBABANTAY SA MGA PALIPARAN

Naglalatag ng ilang patakaran ang ilang paliparan para makaiwas na kumalat ang virus.

May mga foot bath sa Kalibo International Airport.

Sa Ninoy Aquino International Airport, kapag nakitang mataas ang temperatura ng pasahero, ididiretso ang mga ito sa triage area.

Ihihiwalay rin ang pasaherong nagpapakita ng sintomas at idadaan sa isang "special lane." Ihihiwalay sila sa mga pasaherong dadaan sa immigration area.

Nakaantabay din ang ambulansiya na magdadala sa kanila sa ospital.

Planong bumuo ng special team ang Bureau of Immigration para sa mga Pinoy na nais ma-repatriate mula Tsina.

Bubuuin nito ng mga immigration official na may background sa medisina at sinanay ng Bureau of Quarantine.

-- Ulat nina Bianca Dava at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.