11 Chinese na na-quarantine sa Kalibo, nakauwi na

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2020 06:33 PM | Updated as of Jan 31 2020 07:58 PM

Matapos ang isang linggong home quarantine, nakaalis na rin ng Kalibo sa Aklan ang grupo ng 11 Chinese tourists. Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

KALIBO, Aklan – Labing-isang Chinese tourists na may isang linggong na-quarantine dahil sa pagkakaroon ng close contact sa isang nagpositibo sa 2019 Novel Coronavirus sa Hong Kong ang nakaalis na ng bansa Biyernes ng hapon.

Ayon kay Aklan Provincial officer Dr. Cornelio Cuachon Jr., may escort na pulis ang grupo nang ihatid sa Kalibo International Airport. Nakalipad ang grupo dakong alas-2:40 ng hapon.

Dagdag ni Cuachon, hindi nakitaan ng sintomas ang mga ito kaya nabigyan ng clearance na makaalis ng Kalibo. 

Watch more in iWantTFC

Mula Hubei, China ang apat at lumapag sa Maynila bago sumakay ulit ng eroplano papuntang Kalibo at tumuloy sa Boracay. Ang pitong iba naman ay kanilang mga kasamahan na nasa Boracay na naghihintay. 
 
Sa ngayon, isa na lang ang under observation sa isang ospital sa Kalibo. Siya ang isang flight attendant na nag-walk-in nitong Huwebes matapos makaramdam ng ubo tatlong araw na ang nakalipas. Huling biyahe niya ay mula Wuhan City, kung saan nagmula ang virus. 

Nitong Biyernes, may 200 na ang namatay at halos 10,000 na ang nagkaroon ng virus, na nagdudulot ng mga sintomas gaya ng lagnat, ubo, at hirap sa paghinga. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.