Umano'y big-time drug pusher, patay sa buy-bust sa Cebu

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 05:55 PM

Patay ang isa umanong big-time drug pusher at kasama nito matapos na manlaban sa mga operatibang nagsagawa ng buy-bust operation sa bayan ng Balamban sa Cebu. Larawan mula sa Provincial Drug Enforcement Unit ng Cebu

BALAMBAN, Cebu – Dalawa ang patay habang P14-milyong halaga ng droga ang narekober ng awtoridad sa isang buy-bust operation sa national highway ng Barangay Prenza sa nasabing bayan, Miyerkoles ng gabi.

Subject sa operasyon ng pulisya ang umano'y big-time drug pusher na si Quazar Bacaltos Quiachon.

Ayon sa spokesperson ng Cebu Provincial Police Office na si Supt. Eloveo Marquez, nalaman ng suspek na mga pulis ang kaniyang katransaksiyon at binaril niya ang isa dito pero hindi nasaktan dahil sa suot na bulletproof vest.

Nakaganti ang mga pulis at napatay si Quiachon at kasama nitong si Don San Diego.

Narekober ng pulisya sa mga suspek ang P14-milyong halaga ng hinihinalang shabu at dalawang kalibre .45 na baril.

Base din sa intelligence report ng pulisya, bahagi noon si Quiachon ng grupo ng mga umano'y drug lord na sina Steve Go at Franz Sabalones.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.