Inilabas ng Quezon City Police District ang police sketch ng posibleng suspek sa pagpaslang kay Quezon City barangay chairperson Criselle Beltran at driver nito. Doland Castro, ABS-CBN News
Inilabas ng Quezon City Police District (QCPD) Huwebes ang sketch ng lalaking posibleng responsable sa pagpaslang sa isang barangay chair sa lungsod.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Joselito Esquivel, nagtanggal ng suot na helmet ang suspek kaya nakita ng testigo ang mukha nito.
Na-enhance din ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) sa insidente kaya nakilala ang suspek, ani Esquivel.
Nasawi noong umaga ng Miyerkoles si Criselle Beltran, chairperson ng Barangay Bagong Silangan, at driver niyang si Mario Salita matapos silang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin.
Bukod sa pagiging opisyal ng barangay, kakandidato rin sana si Beltran sa pagkakongresista sa ikalawang distrito ng lungsod. Dahil doon, itinuturing ding "election-related violence" ang nangyari.
Kabilang sa mga sinisilip na motibo sa pamamaslang ang politika, love triangle at negosyo.
Sa ngayon, anim ang itinuturing na persons of interest ng pulisya.
Nag-alok naman ng P5 milyon ang pamahalaang lokal ng Quezon City para sa makapagtuturo sa responsable sa krimen.
Kinondena rin ng Palasyo nitong Huwebes ang insidente.
-- Ulat nina Doland Castro at Johnson Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, krimen, crime investigation, Criselle Beltran, police sketch, Quezon City, Quezon City Police District, TV Patrol, TV Patrol Top, Doland Castro