Pamilya ng sundalong namatay sa pagsabog sa Jolo, nanawagan ng hustisya

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 10:47 PM | Updated as of Jan 31 2019 11:06 PM

Si Cpl. Alizon Ayoman ang tumayong padre de pamilya mula nang namatay ang kanilang ama noong isang taon. ABS-CBN News

Hustisya ang hiling ng pamilyang Ayoman matapos masawi si Cpl. Alizon Ayoman sa pagsabog sa Jolo, Sulu noong Enero 27.

Labis ang pagdadalamhati ng pamilya nang maiuwi na ang bangkay ni Ayoman sa kanilang bahay sa bayan ng Kolambugan, Lanao del Norte nitong Huwebes.

Ayon sa tiyahing si Elsa Lluch, akala nila ay tama lang sa paa ang natamo nito.

"Hindi namin maintindihan yung nararamdaman namin. Labis ang aming iyak noong tumawag sa amin ang kanyang kasamahan. Akala namin na nagtamo lang ng sugat sa paa si Alison," aniya.

Hindi rin lubos matanggap ng nakababatang kapatid na si Rodnie na hindi na nila makikitang buhay ang kanilang kuya.

Huling nakasama ng pamilya si Alison noong Pasko nang umuwi ito para personal na asikasuhin ang kapatid na babae na naospital dahil naaksidente.

Ayon kay Rodnie, wala nang uuwi sa kanila para umasikaso at sumuporta sa pag-aaral ng kaniyang mga kapatid.

Dagdag ni Rodnie, si Ayoman ang tumayong padre de pamilya mula nang namatay ang kanilang ama noong isang taon.

Panganay sa apat na magkakapatid si Ayoman.

Taong 2013 nang magsundalo si Cpl. Ayoman at 5 taon na itong nadestino sa Jolo, Sulu bilang kasapi ng 35th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Umaasa ngayon ang pamilya na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay at mapapanagot ang mga responsable sa nangyaring pamomomba.

Nakatakdang ilibing si Ayoman sa Kolambugan Public Cemetery sa Pebrero 6.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.