Pambobomba sa Jolo at Zamboanga 'di away-relihiyon'

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 08:21 PM

Iginiit ng isang lider ng Simbahang Katolika at ng lokal na pamahalaan sa Zamboanga na hindi away-relihiyon at hindi konektado ang nangyaring pambobomba sa simbahan sa Jolo, Sulu at sa isang mosque sa Zamboanga City. 

Ito ay matapos mamatay ang 21 katao at masugatan ang higit 100 sa nangyaring pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Church sa Jolo noong Enero 27, habang dalawa ang patay at apat ang sugatan sa pagsabog ng mosque sa Zamboanga noong Enero 30. 

Ayon kay Archdiocese of Zamboanga spokesperson Rev. Fr. Marciano Villagracia, kagagawan umano ng mga terorista ang mga atake at wala itong kinalaman sa relihiyon ng mga Muslim. 

"Hindi kasama dito ang religion, maraming mababait na Muslim. In fact the Muslim groups also condemn the bombings in Sulu. Hindi trabaho ng Muslim 'yan, trabaho ng terorista," ani Villagracia. 

Iginiit naman ni Zamboanga City Mayor Beng Climaco na dapat hayaan na lamang ang mga pulis na gawin ang kanilang imbestigasyon at huwag nang magbigay ng iba pang kongklusyon ukol sa nangyari. 

Iginiit din niya na hindi konektado ang dalawang pambobomba. 

"Do not make your own conclusions. Let the police and military do the necessary investigation," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, sinuyod ng National Bureau of Investigation Counterterrorism Division ang simbahan para kilalanin ang istilo ng pagbomba, at para tukuyin ang gumawa nito. 

Pero aminado silang mahihirapan sila sa imbestigasyon dahil nilimas ang lahat ng gamit sa loob magmula noong nangyari ang pagsabog, kabilang na umano ang mga silya ng simbahan. 

Kinondena ng mga Ulama o religious scholars ng Sulu ang pag-atake sa cathedral at sinabing hindi ito kagustuhan ng mga taga-Jolo.

Patuloy naman na inaatake ng militar ang mga kuta ng Abu Sayyaf sa kabundukan ng Sulu kasunod ng pagsabog ng simbahan sa Jolo. 

Ito ay matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa miltar na puksain ang teroristang grupo sa likod ng naturang pagsabog. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, inilibing na nitong Huwebes si Reynaldo Pezcadera, ang retiradong registrar ng Commission ng Elections (Comelec) na namatay sa pagsabog sa Jolo, maging ang iba pang sibilyan na nadamay sa pagsabog. 

Nanawagan ang pamilya ng hustisya sa sinapit ng kanilang kaanak. 
“Kung wala talaga, wala talaga tayong magagawa. Kahit kaunti basta meron,” aniya. 

Inayudahan naman ng pamahalaan ng Jolo ang iba pang mga namatayan. 

Hustisya rin ang panawagan ng iba pang nagpapagaling sa ospital kasunod ng pagsabog. 

--Ulat nina Chiara Zambrano, Zhander Cayabyab, at Leizel Lacastesantos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.