Paghahanda sa halalan sa Pampanga, pinaigting

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 02:02 AM

Mas pinaigting ng mga awtoridad sa Pampanga ang paghahanda sa darating na halalan.

Kasabay nito ang pinalakas na kampanya laban sa mga loose firearms. Sa katunayan, umabot na sa 202 ang nakumpiska at isinukong mga armas. 

Nasa 173 ang mga armas na isinuko sa implementasyon ng Oplan Tokhang, habang nasa 29 naman ang nasabat sa mga check point.

Ayon kay Atty. Fernando Cot-om, acting provincial election supervisor, malaking tulong na nasa kamay na ng pulisya ang mga nasabing armas dahil makakatulong itong mabawasan ang posibilidad ng gulo sa lalawigan.

Watch more in iWantTFC

Kasama rin sa paghahanda para sa halalan ang pagbubuo ng isang joint security control center na kinabibilangan ng Philippine National Police, Commission on Elections at Armed Forces of the Philippines.

May ilang election-related incidents na rin na naitala sa lalawigan mula pa noong nakaraang taon. Mayroon ring limang areas of concern sa Pampanga pero tumanggi muna ang pulisya na isapubliko ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.