Mga aktibista, arestado nang makuhanan umano ng granada, baril

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 09:11 PM

VILLANUEVA, Misamis Oriental—Isa na namang grupo ng mga aktibista ang inaresto ng awtoridad sa bayang ito Miyerkoles ng gabi.

Bitbit ang search warrant, hinuli ng mga pulis at sundalo ang mga lider at miyembro ng grupong Misamis Oriental Farmers Association (MOFA) sa isinagawang operasyon sa kanilang nirerentahang bahay.

Kinilala ang mga nahuli na sina Jerry Basahon, chairman ng MOFA, at pinsan nitong si Gerald Basahon, council member ng grupo.

Hinuli rin ang magkapatid na sina Mylene at Marivic Coleta na mga miyembro din ng grupo dahil nadatnan sila sa loob ng bahay habang ni-raid ng awtoridad.

Nakakita umano ang mga awtoridad ng granada, land mine, at .45 caliber na barill sa loob ng bahay.

“Ang background natin ay base sa impormasyon na kabilang sila sa noted personalities ng Armed Forces of the Philippines. Pero they were not arrested dahil pinaniniwalaang NPA sila. Arrest sila based sa violation ng RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at RA 9516 (Law on Explosives),” paliwanag ni Inspector Princess Joy Velarde, spokesperson ng Misamis Oriental Provincial Police Office.

Ang MOFA ay konektado sa grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Noong Lunes, hinuli rin ng awtoridad ang regional chairperson ng KMP Northern Mindanao na si Ireneo Udarbe at regional chairperson ng Kalumbay na si Datu Jomorito Guaynon dahil sa warrant of arrest sa kasong frustrated at attempted murder, at nakuhanan din sila ng mga armas at granada.

Itinanggi ng grupo ang paratang sa kanilang mga kasamahan.

“Hindi sila mga NPA, mga aktibista lamang sila. Lehitimong lider sila na tumutulong sa mga magsasaka at lumad,” sabi ni Michael Pineda, spokesperson ng KMP-NMR.

Giit din ng apat na hindi sa kanila ang mga nakuhang armas at eksplosibo.

“Una nang pumasok sa bahay ang mga sundalo, saka sumunod ang taga-CIDG na may bitbit na search warrant. Sa pagpasok pa lang ng mga sundalo, duda na kami na taniman kami ng armas at granada,” sabi ni Mylene.

Hindi pa naglabas ng pahayag ang umarestong pulis ng Criminal Investigation and Detection Group at 4th Infantry Division sa pagkaaresto sa apat.

Sasampahan sila ng kasong illegal possession of firearms and explosives, at paglabag sa election gun ban.

Humingi naman ng tulong ang mga progresibong grupo sa Commission on Human Rights at Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao para maasikaso ang hinaharap na kaso ng kanilang kasamahan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.