Lalaking lasing inaresto sa paglabag sa Comelec gun ban sa Agusan del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 05:59 PM

Naglabas umano ng baril ang suspek matapos na mag-amok nang malasing sa isang videoke bar sa bayan ng San Francisco, Agusan del Sur. Larawan mula sa San Francisco Municipal Police Station

SAN FRANCISCO, Agusan del Sur - Inaresto ng mga pulis ang isang lalaki na nahulihan ng baril sa Purok 2C, Barangay 1 sa nasabing bayan, Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, tumawag ang may-ari ng isang videoke bar matapos umano malasing at mag-amok ang customer na si Roy Rossel, 29.

Inilabas umano ni Rossel ang .22 revolver na ikinaalarma ng may-ari ng bar.

Naabutan pa ng mga rumespondeng pulis ang suspek na bitbit ang baril.

Walang naipakitang dokumento ang suspek kaya agad siyang hinuli at dinala sa presinto.

Sinampahan na ng kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Omnibus Election Code ang suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.