Lalaki nagsaksak sa sarili matapos saksakin ang kinakasama

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 08:37 AM | Updated as of Jan 31 2019 08:21 PM

MAYNILA - Sugatan ang isang babae matapos saksakin ng kaniyang kinakasama sa C. Padilla St., Barangay 153, Pasay City Miyerkoles ng umaga.

Sugatan din ang suspek matapos saksakin ang sarili sa dibdib.

Sa kuha ng CCTV, nag-uusap ang biktima, 27 anyos, at suspek, 30 anyos.

Watch more in iWant or TFC.tv

Habang dala ng babae ang 7 buwang gulang nilang anak, sinaksak ng suspek ang kinakasama sa leeg. Sinaksak naman ng suspek ang kaniyang sarili pagkatapos.

Ayon kay Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City police, pinuntahan ng suspek ang biktima kung saan ito namamasukan bilang katulong.

Gusto umanong kunin ng suspek ang bata sa kinakasama. Iniwan umano siya ng biktima dahil wala siyang trabaho.

Patuloy na inoobserbahan ang 2 sa ospital. Kinuha na ang sanggol ng mga kaanak ng suspek.

Mahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder at paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

-- ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.