Kagawad patay, misis sugatan sa pamamaril sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 05:28 AM

POLOMOLOK, South Cotabato - Patay ang isang barangay kagawad habang sugatan ang kaniyang misis matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Polomolok, South Cotabato Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Lemuel Cariaga, kagawad ng Barangay Rubber. 

Batay sa imbestigasyon, galing munisipyo ang mga biktima at pauwi na sa kanilang bahay sakay ng motorsiklo nang pagbabarilin pasado alas-8 ng umaga.

Binaril sa ulo at katawan si Lemeul. Nadaplisan naman ng bala ang kaniyang misis na si Aurora. Itinakbo pa sa ospital ang barangay kagawad pero binawian din ng buhay.

Ayon kay Supt. Samuel Cadungon, hepe ng Polomolok Police Station, posibleng may kinalaman sa trabaho ang pamamaril.

Matagal nang may banta sa buhay si Lemeul na pinuno ng peace and order committee ng lugar. Niratrat din ang bahay ng mga biktima noong Hunyo 2018 pero walang tinamaan sa insidente.

Si Lemuel ang ikalawang barangay kagawad na pinatay sa lugar. Noong Oktubre 2018, pinatay rin ng riding-in-tandem si Rhod Ubpon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.