'Bomb threat di totoo': NCRPO chief tiniyak na ligtas pumunta sa mall

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 05:44 PM | Updated as of Jan 31 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ligtas ang pagpunta sa mga mall sa Kamaynilaan kasunod ng pagsabog sa simbahan sa Sulu at sa moque sa Zamboanga sa nakalipas na linggo. 

Ito ay matapos kumalat sa social media at sa text messaging na mayroon umanong banta ang bandidong grupo na Abu Sayyaf sa ilang mall sa bansa. 

Ayon sa isa sa mga post na ikinalat sa social media, nag-warning umano ang mga opisyal ng SM Supermalls sa publiko sa pagbibisita ng kanilang mall dahil sa bomb threat. 

Ani NCRPO chief Director General Guillermo Eleazar, pakay lamang umano ng nasabing bomb threat na takutin ang publiko. 

"This is a replay of a similar hoax meant to sow alarm and panic among the citizens in Metro Manila, and done by people who are clearly enemies of the State or by irresponsible pranksters," aniya sa isang pahayag. 

Dapat din daw tigilan ang pagpapakalat ng mga mensahe tungkol sa umano'y bomb scare, dagdag niya. 

Nanawagan din siya na maging alisto bagaman wala pang nakikitang banta sa Kamaynilaan. 

Sa ipinadalang pahayag ng SM Supermalls, sinabi nila na walang katotohanan at peke ang pinagpapasapasahang text messages at messages sa social media. 

"It has been verified to be a hoax thorough a joint investigation of our company and the local PNP (Philippine National Police) in several areas," aniya. 

Nanawagan ang mga awtoridad na i-report sa publiko ang mga nagpapakalat ng mga pekeng bomb threat

Ayon sa Presidential Decree 1727 na ipinatupad ni dating pangulo at diktador Ferdinand Marcos, makukulong ang sino mang magkakalat ng mga bomb threat sa mga pampublikong lugar. 

-- May ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.