ALAMIN: Bakit isinailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay?

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 01:50 PM

Watch more in iWantTFC

Matapos ang umano'y matagumpay na rehabilitasyon ng Boracay ay sinimulan noong Enero 27 ang rehabilitasyon ng Manila Bay, na maaaring magtagal ng ilang taon. 

Pero bakit nga ba ito sinimulan? 

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, alinsunod ito sa isang utos mula sa Korte Suprema noong 2008 para mapanatiling malinis ang tubig sa Manila Bay. 

Ang writ of mandamus ay isang kautusan ng mataas na korte o utos sa isang indibidwal na gampanan ang isang pampublikong serbisyo. 

Ayon sa G.R. Nos. 171947-48, inutusan ng Korte Suprema ang ilang ahensiya ng gobyerno na mangasiwa sa pagre-rehabilitate ng Manila Bay. 

"May mandamo o kautusan ang Korte Suprema na kailangang ilinis iyang dagat na iyan, 'yung tubig na yan, ibalik mo sa quality, dapat swimmable na iyan," ani Antiporda sa "Usapang de Campanilla" nitong Miyerkoles. 

Ayon kay Antiporda, si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na agad sundan ang naturang mandamus, na inilabas na halos 10 taong nakalipas. 

"'Yun po ang napag-usapan sa Cabinet meeting at immediately instructing [secretaries] to act on it immediately and tumugon din po sina (MMDA Chairman) Danny Lim," aniya. 

Nauna nang sinabi ni Environment Undersecretary Sherwin Rigor na may tatlong phase o bahagi ang rehabilitasyon ng Manila Bay na may kinalaman sa paglilinis ng mismong katubigan, relokasyon, at pagpapanatili nito. Halos dekada ang aabutin ng naturang proyekto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.