5 patay sa banggaan ng tourist bus at truck sa SCTEx

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 12:52 PM | Updated as of Jan 31 2019 07:31 PM

ABS-CBN NEWS

MAYNILA (UPDATED) — Lima ang namatay at 45 ang nasugatan matapos salpukin ng bus ang likurang bahagi ng isang truck sa Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEx) sa may Concepcion, Tarlac nitong Huwebes. 

Sakay ng bus ang mga barangay official ng Naic, Cavite na dadalo sana sa isang seminar sa Baguio City. 

Kabilang sa limang nasawi ang tatlong barangay kagawad at isang tour guide.

Watch more in iWant or TFC.tv

Driver's error o pagkakamali ng driver ng bus ang sanhi ng banggaan, base sa imbestigasyon ng Concepcion police.

Mabilis daw ang pagpapatakbo ng bus driver, base sa kuwento ng mga pasahero.

Mahaharap ang driver ng bus sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at damage to property.

Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa operator ng bus para papanagutin sa nangyari.

Handa rin daw ang lokal na pamahalaan ng Naic na sagutin ang gastusin sa pagpapagamot ng mga empleyado nito. 

Dahil sa insidente, tatlong oras sumikip ang trapiko sa bahagi ng SCTEx.

Muling nagpaalala ang SCTEx sa mga motorista na nasa 60 kilometro kada oras (kph) ang minimum speed ng mga sasakyan sa expressway at 100 kph ang maximum speed.

Pinayuhan din ang mga motorista na maging alisto kapag nagmamaneho at huwag maging kaskasero.

--Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.