3 'holdaper', patay sa engkuwentro sa Novaliches

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 02:44 AM | Updated as of Jan 31 2019 07:15 AM

MANILA - Patay ang tatlong lalaking umano'y nangholdap sa isang UV Express sa Novaliches, Quezon City Miyerkoles ng gabi.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng report na may tatlong lalaking nangholdap sa mga pasahero ng isang UV Express sa bahagi ng Barangay San Bartolome sa Novaliches.

Tinangay ng mga suspek ang personal na kagamitan ng mga pasahero tulad ng cellphone, pera at laptop.

Humingi ng saklolo ang mga pasahero. Sa pagmamadaling umalis, naiwan ng mga suspek ang isang motorsiklo sa lugar.

Tumakas ang mga suspek sakay ng isa pang motorsiklo papunta sa direksyon ng Barangay Gulod.

Inabutan ng mga pulis ang mga suspek sa lugar at nagpaputok ang mga ito ng baril.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na siyang ikinasawi ng tatlong suspek.

Nakuha sa lugar ang isang kalibre .45, isang kalibre .38, isang motorsiklo, mga cellphone at iba pang gamit ng mga pasahero ng UV Express.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.