2 teenager, timbog sa umano'y pagtutulak ng droga sa Laoag City

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 11:30 PM

LAOAG CITY – Timbog ang isang dalagita at binatilyo sa magkahiwalay na buy-bust operation sa lungsod na ito Miyerkoles ng umaga.

Nakumpiska kay alyas John, 18-anyos, ang isang sachet ng hinihinalang marijuana.

May nakuha sa kaniyang bulsa na nakatuping papel na may laman dried marijuana. 

Apat na sachet naman ng hinihinalang marijuana ang nakumpiska kay alyas Joy, 17-anyos.

Itinanggi ng mga suspek na sa kanila ang mga nakuhang ebidensiya. 

"Nakatambay lang ako nang bigla na lamang akong pinosasan," ani John.

"Inilagay na lang malapit sa paa ko ‘yung marijuana," ani Joy.

Ayon kay Chief Inspector Adriano Licudan, deputy chief ng Laoag City Police Station, matagal na nilang binabantayan ang galaw ng dalawa.

"I don’t know kung iisa ang pinagkukunan nila na ito ang ive-verify natin," aniya.

Mga estudyante umano ang parokyano ng dalawang suspek na kapwa hindi na nag-aaral.

Pansamantalang mananatili si Joy sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office habang si John ay haharap ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.