19 anyos patay sa pamamaril sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 04:59 PM

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan ang 19 anyos na biktima sa General Santos City. Francis Canlas, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY – Patay na nang datnan ng pamilya ang 19 anyos na lalaking pinagbabaril ng mga salarin na lulan ng motorsiklo sa harap ng kapilya sa Sunrise Valley Subdivision sa Barangay Lagao dito sa siyudad, Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa purok leader na si Ruth Lastimado, pasado alas-9 ng gabi nang umalingawngaw ang apat na magkakasunod ng putok ng baril sa lugar. Nakita na lamang nilang nakabulagta si Leopoldo Aprecio Jr.

Hindi naman namukhaan ang mga salarin na mabilis tumakas sakay ng motorsiklo na wala ring plaka.

Kuwento ng ina ni Aprecio, nagpaalam ang anak na manonood lamang ng liga ng basketball sa court ng purok. Nakatanggap na lang sila ng balita mula sa kapitbahay na pinatay na ito.

Aminado din ang nanay ng biktima na may ilang beses nang nasangkot sa pagnanakaw ang kaniyang anak pero nagsisikap daw silang magbago ito.

Narekober ng pulis ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45 baril sa lugar ng pamamaril. 

Patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad ang insidente. Ito rin ang pangalawang insidente ng pamamaril na naitala sa barangay ngayong buwan ng Enero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.