Tapatan sa Senado: Saan, kanino galing ang 'fake news'?

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 12:54 AM | Updated as of Jul 30 2019 06:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagtapatan ang mga blogger, mga mamamahayag, at mga senador sa ikalawang pagdinig ng Senado para sa posibilidad ng pagbuo ng batas laban sa fake news.
 
Hindi man nakapunta sa pagdinig si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Sec. Mocha Uson, hindi pa rin siya nakaligtas sa puna.

"In reality, it's the blog of Asec. Mocha, which, of course, has a wide reach, [PCOO] really reflects upon PCOO and your work," ani Sen. Bam Aquino kay PCOO Sec. Martin Andanar.

Para naman kay Sen. Grace Poe, chairman ng Senate committee on public information and mass media, maaaring may problema na pinagsasabay ni Uson ang kanyang personal na blog at ang paninilbihan sa gobyerno. 

"It's very hard to separate her own personal opinion from that of the PCOO. Have you ever considered, perhaps, that this is a conflict of interest and it [Mocha Uson blog] should be shut down?" tanong ni Poe kay Andanar. 

Maging si Sen. Cynthia Villar, miyembro ng super majority coalition, pinapipili na rin si Uson kung ano ba ang gustong gawin.
 
"Kapag you accept a position in government, you have to give that [blog] up. Ngayon kung ayaw mong i-give up iyon, huwag kang mag-accept sa government," ani Villar.

Pero muling dumistansiya si Andanar sa blog ni Uson at iginiit na hindi naman dumadaan sa PCOO ang lahat ng ipino-post ni Uson.

"Ang sabi ko sa kaniya [Uson], as far as her blog is concerned, ay hindi po 'yan repleksiyon ng PCOO," ani Andanar. 

SUBPOENA SA BLOGGER 

Kapwa inabangan naman nina Villar at Sen. Tito Sotto ang akala'y sisipot nang si Cocoy Dayao. 

Si Dayao ang blogger na itinuturong nasa likod ng #silentnomoreph na nagsulat tungkol sa umano'y pagtanggi ng ilang senador na pirmahan ang resolusyong kumokondena sa extrajudicial killings.
 
Hindi naitago ni Poe ang pagkairita sa muling pang-iisnab sa kanila ni Dayao kaya ipina-subpoena na ito ng komite para sa susunod na pagdinig.
 
"You [Dayao] can dish it out but you can't take it? A lot of us are so easy to criticize but when it comes for us to be able to face the public, natatakot tayong lumabas?" sabi ni Poe.

ALEGASYON NG BLOGGERS

Pinagsabihan naman ni Sen. Manny Pacquiao si PCOO Undersecretary Lorraine Badoy.

"Pinicture-an mo 'yong bahay ng tao ko, then sabi mo, 'this is the house of the mistress of Manny Pacquiao," ani Pacquiao kay Badoy. "I forgive you but I want you to say 'sorry.'"

"I think I owe you an apology," tugon ni Badoy.

Sinita naman ni Sotto si "Pinoy Ako" blogger Jover Laurio sa pagsusulat ukol sa di pagpirma ng ilang senador sa resolusyong kumokondena sa extrajudicial killings.

"There's a resibo from the office of Senator Kiko that says that an e-mail was sent to some senators," ani Laurio.

"That's not true," sabi ni Sotto. "You must know that the procedure here in the Senate [is] any member of the Senate can come up to us and ask us to sign when it's a resolution, you do not e-mail."
 
UGAT NG FAKE NEWS

Nanindigan naman ang mga kinatawan ng mainstream media ukol sa kanilang pagbabantay para di mapasukan ng fake news sa mga inihahatid na balita.
 
"If it's proven that it's erroneous, we will take it down, and we've done that a lot of times," ani Chi Almario-Gonzales, head ng ABS-CBN Futures, Standards and Ethics.

"We all follow the usual standards of fact-checking," ani Paolo Romero ng Philippine Star. 

Magkaiba naman ang pananaw nina Badoy at Ellen Tordesillas ng Vera Files tungkol sa pinagmumulan ng fake news sa Pilipinas. May sumisi sa Vice President Leni Robredo, at mayroon namang kay Pangulong Rodrigo Duterte. 

"She [Robredo] paints a gloomy picture of the country," ani Badoy. "And this is an international audience that she peddles and spreads these lies about."

Si Duterte naman ang sinisisi ni Tordesillas. 

"The number one source of fake news is President Duterte himself... in just one speech sometimes, he would... say more than one falsehood," ani Tordesillas.
 
Isinusulong ni Pacquiao ang mandatory registration ng mga blogger sa bansa pero agad itong kinontra ng mga blogger.

Hindi rin ito ganap na suportado ni Poe dahil aniya, masasagasaan ang freedom of expression and of the press.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.