SSS gustong itaas ang buwanang hulog ng mga miyembro

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 09:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Gusto nang itaas ng Social Security System (SSS) ang halaga ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito simula sa Abril.

Hiniling na ng SSS kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtataas sa 14 percent ng monthly contribution rate ng mga miyembro mula sa kasalukuyang 11 percent.

Ito ay para makaagapay ang ahensiya sa P37 bilyong gastos nang aprubahan ang P1,000 umento sa pensiyon ng mga miyembro nito noong Enero 2017.

"They see it as savings on the part of the member, kaya hindi naman katalunan 'yon sapagkat parang it's a compulsory savings na mapapakinabangan nila pagdating ng panahon na sila'y tatanggap ng pensiyon," ani SSS Chairman Amado Valdez.

Sa kasalukuyang sistema ng pagbabayad ng kontribusyon, one-third ang binabayaran ng mga empleyado, habang two-thirds ang sinasagot ng employers o kompanyang pinagtatrabahuhan ng SSS member.

Halimbawa, ang isang empleyadong sumusuweldo ng P10,000 kada buwan ay kasalukuyang mayroong P1,100 na kontribusyon sa SSS: P736.70 ang sinasagot ng employer, habang P363.30 naman ang inaawas sa sahod ng empleyado.

Sakaling maaprubahan ang bagong SSS contribution rate, magiging P1,400 na ang buwanang SSS contribution ng sumasahod ng P10,000: P886.70 ang sasagutin ng employer, habang P513.30 ang ikakaltas sa suweldo ng manggagawa. 

KINONTRA NG MAMBABATAS

Kinokontra ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang gusto ng SSS dahil anila, malaki na ang ginagastos nila sa ngayon sa bawat empleyado, bukod pa sa sahod.

Hindi raw tamang estratehiya na hingan ng dagdag-kontribusyon ang mga miyembro ng SSS.

"Dapat pinag-aralan nila kung saan manggagaling 'yon," ani Donald Dee, presidente ng ECOP. "Normally, hindi naman nanggagaling sa increase ng premium."

Ayon naman sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), hindi tamang panahon na dagdagan pa ang pasanin ng mga manggagawa lalo't tumaas na ang presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN.

Saad ng pahayag ng ALU-TUCP: "The planned 3% increase in monthly contribution of Social Security System in April is not a good time for employees who are already encumbered by the rising prices of commodities and soaring costs of services triggered by the excise tax on fuel and sweetened beverages of the Tax Reform for Acceleration and Inclusion program.""

Hinaharang din ng ilang party-list ang hiling ng SSS na dagdag-kontribusyon dahil pangunahing maaapektuhan ang minimum-wage earners. 

Hamon nila, habulin na lang ng SSS ang mga delingkuwenteng miyembro o di naman kaya ay pagkakitaan ang ibang pag-aari nito.

"The SSS should first improve its collection efficiency and decrease the huge bonuses of its board members before proposing contribution hikes to its members. The SSS contribution hike at this time will leave the minimum wage earners with nothing for their daily expenses," saad ng pahayag ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro. 

Hirit naman ng Anakpawis party-list, dapat ayusin muna ng SSS ang napaulat na anomalya sa stock investments nila at ang umano'y sobra-sobrang benepisyo at bonus ng mga mataas na opisyal ng SSS.

Pahayag ni Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao: "Aside from the continuing inefficient collection... other controversies continue to hound SSS like the anomaly on the stock investments, excessive perks, bonuses of its high ranking officials and board members."

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pinag-aaralan na ng pangulo ang hiling ng SSS. 

Kung pagbibigyan, maglalabas ang pangulo ng executive order para rito.

"Hanggang 'di nag-issue ng EO (executive order) ang presidente eh pinag-iisapan pa rin at pinag-aaralan pa rin ito ng presidente," saad ni Roque.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.