SAPUL SA CCTV: Paninikwat sa isang mall sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 10:43 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Dalawa ang arestado habang apat pa ang pinaghahanap ng pulisya matapos makuhanan ng CCTV na nanikwat ng bag sa isang mall sa Valenzuela.

Kinilala ang mga naaresto ng Valenzuela police bilang sina Joseph Fermejo at Rowena Brillante.

Ayon sa pulisya, nakapambiktima na umano ang kanilang grupo sa ibang mall sa Maynila at Makati.

"Malalaki pong mga mall ang inaano nila," ani Senior Inspector Jose Hizon ng Valenzuela police.

"Nagko-conduct muna sila [ng] surveillance. 'Pag nakita nila [na] medyo maluwag, kayang-kaya nilang nakawan, doon nila ginagawa ang kanilang pananalisi," sabi ni Hizon.

Sa kuha ng CCTV ng mall noong Sabado, kita ang pagdating ng limang taong nagpanggap na mamimili at umaaligid sa isang tindahan.

Habang kinakausap ng mga suspek ang mga saleslady, pasimpleng lumapit ang isang babae at tinangay ang bag na malapit sa kaha.

May laman ang bag na nasa P1,000 cash at mga ATM card.

Matapos tangayin, isa-isang umalis ang mga itinuturong kasamahan ng nanikwat mula sa tindahan.

Nakuhanan din ng CCTV ang mga suspek na sama-samang sumakay ng taxi. 

Ang taxi driver mismo ang nagkanta sa mga suspek sa Valenzuela police.

Pinaghahanap pa ng pulisya ang iba pang suspek na kinilala lang sa mga alyas na "Aurora Manuel," "Marjorie Zifra," "Shirley Quinto," at "Leonardo Olfindo."

Nahaharap ang anim sa kasong theft.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.