Pulis, patay nang mabundol ng taxi na 'tumatakas' sa isa pang nabundol

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 08:34 PM | Updated as of Jul 31 2019 05:40 PM

Watch more in iWantTFC

Patay ang isang pulis habang dalawa ang sugatan matapos mabundol ng isang humaharurot na taxi sa boundary ng Sampaloc at Santa Cruz, Maynila noong Martes ng madaling araw.

Kinilala ang nasawing pulis na si Police Officer 3 Francis Navarro na namatay dahil sa umano ay injury sa ulo matapos mabundol ng isang taxi sa may intersection ng Dapitan Street at Remigio Street sa Maynila.

"Maaaring nauna 'yong ulo niya," ani Francis Vargas ng Raha Rescue Team. "Pagkapa namin, may nakapa kami na crack o malaking sugat doon sa ulo niya."

Nabangga rin ng taxi ang pulis na kasama ni Navarro, na nagtamo ng minor injuries o mga galos sa braso.

Kapwa lulan ng motorsiklo ang dalawa nang mangyari ang insidente.

Pero bago nasagsaan ang mga pulis, nakabundol ang nasabing taxi ng isang 19 anyos na lalaki sa Dapitan Street.

Agad namang nakalabas sa ospital ang binatilyo, na iniinda ang pananakit ng bewang at likod. 

Inaalam pa ng pulisya ang plaka at pagkakakilanlan ng may-ari ng taxi.

-- Ulat nina Zyann Ambrosio at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.