Pulis patay, 1 sugatan nang magkasunod na mabangga ng taxi sa Maynila

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 05:59 AM

Patay ang isang pulis habang sugatan naman ang isang binatilyo nang mabangga ng taxi sa Maynila pasado hatinggabi kahapon.

Sa CCTV footage ng Barangay 470 Zone 46, makikita na tumatawid ang binata sa Dapitan St. nang mabangga ng taxi na sumulpot mula sa Lacson Avenue.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima. Agad na dumating ang ambulansya at isinugod sa ospital ang binata.

Ayon kay barangay kagawad Joseph Venzon, sinubukan pang habulin ang taxi pero hindi ito naabutan.

Ilang minuto ang nakalipas ay nakaladlakad naman ng taxi ang isang lalaki sa Andalucia St., Sta. Cruz, Maynila. 

Ilang metro lang ang layo nito sa lugar kung saan nangyari ang unang insidente.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 319 Zone 32, kita ang mabilis na takbo ng taxi at nakaladkad ang lalaki hanggang sa gasolinahan.

Ang biktima ay kinilalang si PO3 Roy Francis Navarro na nakatalaga sa Sta. Cruz Police Station.

Naisugod pa siya sa ospital pero binawian ng buhay.

Tingin ng mga barangay kagawad, maaaring iisa lang ang taxi na nakabangga sa dalawang biktima.

Inaalam pa ng Manila Police District at Traffic Bureau ang pagkakakilanlan ng tumakas na taxi driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.