‘Pederalismo hindi sagot sa lahat ng problema ng bansa’: Hilbay

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 01:28 AM | Updated as of Jul 31 2019 01:07 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi sang-ayon si dating solicitor-general Florin Hilbay sa isinusulong na pederalismo dahil hindi umano ito ang sagot sa lahat ng problema ng bansa.

"Hindi, kasi 'yung federalism hindi naman siya sagot sa lahat ng problema. Kung merong problema tungkol sa political dynasty or distribution ng wealth, pwedeng gawin 'yun through targeted amendments," ani Hilbay.

"Through a statute, repasuhin 'yung ating local government code, or through an amendment to the Constitution that says itong porsyento na 'to pupunta sa region na 'to, para mawalan ng kapangyarihan 'yung political departments na kontrolin 'yung hatian."

Dagdag niya, maaari umanong emyendahan ang Saligang Batas nang pakaunti-kaunti.

" 'Yung nature ng amendments sa US Constitution ay maliliit at piecemeal na pagbabago. Ang pino-propose ng House of Representatives at basically presidente ay buksan ang buong Constitution na pwedeng baguhin kahit ano," ani Hilbay.

"Kung gusto mo maging conservative, tanong mo na lang sa kongresista at presidente kung ano 'yung problemang pwede solusyunan. Pwede tayong magkaroon ng amendments na isa-isa, kesa buksan lahat."

Kailangan din umanong hiwalay bumoto sa pag-emyenda ng Saligang Batas ang Kamara at Senado. 

"Kailangan separate sila kasi ang intensyon ng mga sumulat ng ating Constitution is to make it very difficult to change the Constitution. Ngayon, ang Kongreso, bicameral Congress, tuwing nagpapasa ka ng kahit anong maliit na batas, kailangan mo ng House at Senate. Kung babaguhin mo ang Saligang Batas, ang bibliya ng ating Republika, kailangan mahirap siyang gawin, 'yun ang intensyon," ani Hilbay.

Dagdag niya, kung sakaling ipagpapatuloy ng Kamara at ilang senador ang pagboto nang magkasama, maaaring wala umano itong epekto.

"Then you have a branch of Congress na nagpe-perform ng isang function without authority. Walang effect 'yung gagawin nila, kumbaga," aniya.

"Kung ang House gusto nilang ratsadahin 'yung pag-emyenda sa ating Consti, malamang, at ako’y sigurado na may maghahain ng problema sa Korte Suprema, kasi ang huling magde-decide kung voting separately ba or jointly would be the Supreme Court pa rin."

Nilinaw din ni Hilbay na ang constitutional convention (con-con) o constitutional assembly (con-ass) din umano ang bubuo ng bagong Saligang Batas, at hindi ang consultative commission na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"Ayon sa ating Consti, ang official na magpo-propose ng draft Constitution ay Congress or constitutional convention, ang bagong itinalagang grupo is more or less a study group na siyang magsusulat o magpo-propose ng draft pero pagdating sa con-con or con-ass, pwedeng baguhin 'yan kasi kahit gaano kaganda 'yung magazine na ipinresenta, ang tunay na editor ay 'yung Kongreso or 'yung con-con," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.