Lalaki patay matapos umawat ng gulo sa Laoag

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 02:24 AM

LAOAG CITY - Patay ang isang tricycle driver matapos pagsasaksakin nang umawat sa isang gulo sa karinderya sa Barangay 10 sa lungsod na ito Martes ng madaling araw.

Dead on arrival sa ospital ang 29-anyos na tricycle driver na si Jan Francis dela Peña, matapos umanong pagsasaksakin ni Joel Javier, 22, at kapatid na teenager.

Ayon kay Supt. Edwin Balles, hepe ng Laoag City Police, unang may kinasangkutang gulo ang grupo ng biktima hanggang sa nakialam daw ang grupo ng magkapatid na suspek.

“Mayroong kaunting commotion na kung saan itong grupo ng victim ay may kasagutang ibang grupo. Ito namang suspek na magkapatid na nasa kabilang kalsada ay nakilahok at noong tiningnan nila, inaawat naman ng mga kasamahan ng victim. ‘Yung unang nakaaway ay nakita na naman nila na pinagsasaksak ng magkapatid itong victim,” ani Balles.

Nagtamo ng dalawang saksak ng folded knife sa dibdib ang biktima at pinalo pa ng baseball bat.

Aminado ang suspek sa kaniyang ginawa. Dinepensahan lamang daw niya ang kanyang sarili nang pagbubugbugin siya.

Nauna at pinagtripan daw siya ng biktima na umano’y lasing matapos siyang pagbintangan na nambasag ng bote.

“Inihagis niya ang bote at tinanong kung sino naghagis eh siya rin lang naman ang naghagis. Nang pumasok na ako sa karinderya, sinakal ako sa leeg ng isang matandang kasama niya hanggang binugbog ako sa mukha," ani Javier.

Agad tumakbo ang suspek matapos ang insidente pero agad ding sumuko sa istasyon ng pulisya.

Ipinagtanggol din ng suspek ang kaniyang tinedyer na kapatid na hindi raw sangkot dahil wala ito nang mangyari ang insidente.

Pero ayon kay Balles, posibleng sasampahan pa rin ng kaso ang kapatid lalo na’t may mga testigong nagsabing kasali siya sa pagpatay sa tricycle driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.