Lalaki patay matapos makaladkad ng truck sa GenSan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 10:31 PM

Ayon sa ilang nakakita ng aksidente, nag-overtake ang truck sa sinusundang motorsiklo at sumalpok sa kasalubong na "traysikad" na wala umanong ilaw.

GENERAL SANTOS CITY—Patay ang isang "traysikad" driver matapos mabangga at makaladkad ng kasalubong na truck sa Barangay Pasada, General Santos City nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Marc Paul Lintag na residente ng 6th Street sa Barangay City Heights, GenSan. 

Ayon sa ilang nakakita ng aksidente, nag-overtake umano ang truck sa sinusundang motorsiklo at tiyempo namang paparating ang traysikad na minamaneho ni Lintag.

“Mabilis yong takbo ng truck driver, hindi niya nakita yong paparating na traysikad sa kabilang lane, iyon nabangga na niya iyung traysikad,” ani Kenneth Sunga, residente.

Sa tindi ng salpukan, wasak ang motorsiklo at sidecar ng traysikad. Ilang metro ding nakaladkad ang biktima na nagtamo ng sugat sa ulo at mga bali sa kanyang katawan. 

Depensa ng driver ng truck na si Sabino Nisnisan, hindi niya nakita ang kasalubong na traysikad dahil wala daw itong headlights.

“Mahina lang man ang takbo ko, madilim kasi tapos wala mang ilaw iyung kanyang traysikad, hindi ko namalayan na may paparating pala. Papunta ako ng Davao para magdeliver sana ng multicab ko. Sino ba naman gustong ma-aksidente,” ani Nisnisan.

Babala ng GenSan traffic management unit, mapanganib ang pagmamaneho na walang ilaw ang sasakyan. Bukod sa paglabag ito sa Land Transportation At Traffic Code, pwede rin itong magresulta sa disgrasya sa kalsada. 

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya pero pinag-aaralan na nila ang pagsasampa ng demanda sa driver ng truck. Nakahanda namang tumulong ang may-ari ng truck sa pamilya ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.