Ilang taga-Kadamay, 'ibinebenta' ang pabahay

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 10:02 PM | Updated as of Aug 17 2018 12:59 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Iniimbestigahan ng National Housing Authority (NHA) ang umano'y ginagawang pagbebenta ng ilang miyembro ng Kadamay sa mga pabahay na pinagkaloob sa kanila ng gobyerno.

Sa video na in-upload ng NHA sa kanilang Facebook page, makikita ang miyembro ng Kadamay na si Jerry Lavado na nakikipagtransaksiyon sa umano ay prospective buyer ng pabahay. 
    
Ayon sa NHA, matagal na nilang natatanggap ang impormasyon ng bentahan ng mga pabahay ng gobyerno. 

"There are those that are aggressively selling it sa mga neighbors, sa mga kakilala and there are those who are exploring the possibility of getting units...We also got some documents to show na may mga transfer of rights at deed of sale na nangyayari," ani NHA General Manager Marcelino Escalada Jr.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang Padre Pio sa Pandi, Bulacan pero wala si Lavado para humarap.
    
Depensa ng kakilala ni Lavado, tinulungan lang nito ang kaibigan na nangangailangan ng pera. 

Sakto na may lalaking kinilalang si Leo Bautista na lumapit at sinabing naghahanap ito ng bahay. 

"Parang collateral lang 'yun. Pero hindi ibebenta. Mula nga nang mabigay 'yung pera, hindi na ma-contact 'yung Leo Bautista...Ang mali lang may papel si Bautista na parang tinatanggap 'yung bahay," ani alyas "Rey" na miyembro rin ng Kadamay.

Paliwanag ng Kadamay, na-set up lang sila para mapasama ang tingin ng tao sa kanilang grupo.

"Iyung video na 'yun, ginawa para ma-set up ang Kadamay. Para mainis ang gobyerno at paalisin ang mga miyembro namin doon," ani Gloria Arellano, national president ng Kadamay.

Gayon pa man, pinaiimbestigahan na ng Kadamay ang pangyayari. 
    
Kapag mapatunayan na may intensiyon si Lavado na ibenta ang housing unit, tatanggalin siya bilang miyembro ng Kadamay at paaalisin sa inookupang bahay. 

Inaalam na rin ng NHA ang iba pang lugar na laganap ang bentahan ng pabahay ng gobyerno para mapanagot ang mga lalabag sa Urban Development and Housing Act of 1992. 
    
--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.