Halos 800 kilo ng mishandled na karne, nasamsam sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 10:15 AM

MANILA - Kinumpiska ng mga awtoridad ang nasa 785 kilo ng frozen na karne ng baboy at manok dahil sa mishandling sa MCL Lucky Market sa General Kalentong Street, Mandaluyong ngayong Miyerkoles.

Sinamsam ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang karamihan sa mga karne dahil hindi nakaimbak ang mga ito sa freezer o chiller.

May paglabag naman ang iba sa display dahil nakatiwangwang lamang ang mga ito kaya maaaring makontamina ng bacteria at magdulot ng sakit, sabi ni Dr. Rolando Marquez, team leader ng NMIS.
 
Nagkakahalaga aniya ng P80,000 ang mga nakumpiskang karne. Ibabaon ang mga ito sa lupa sa NMIS compound.

Paalala ni Marquez sa mga mamimili, maging mapanuri dahil delikado sa kalusugan ang mishandled at maduming karne.

Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.