Fast-food crew sa Davao, sugatan nang ‘mabaril’ ng guwardiya

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 08:08 PM

Sugatan ang fast-food crew na si Razhad Casan matapos mabaril ng security guard sa pinagtatrabahuang kainan sa Quimpo Boulevard Martes. Handout

DAVAO CITY—Sugatan ang isang fast-food crew matapos mabaril ng security guard sa pinagtatrabahuang kainan sa Quimpo Boulevard Martes.

Ayon sa security guard na si Manny Mato, 24, aksidente niyang nabaril ang crew na si Razhad Casan, gamit ang kaniyang 9-mm service firearm.

"Kinuha ko ang baril sa kasama ko. Akala ko walang bala tapos nag-joke kasi kami, sinasabihan niya ako matagal daw ako at nawili daw siya sa akin," ani Mato.

Ngunit base sa inisyal na imbestigasyon, hindi aksidente ang pamamaril.

"Nakita natin sa CCTV na binaril ng guwardya ang service crew. Karapatan naman niya ang hindi magsabi ng totoo," ani C/Insp. Ronald Lao, hepe ng Talomo Police.

Narekober mula kay Mato ang 9-mm pistol, 7 bala nito at 1 fire cartridge.

Agad namang dinala sa ospital ang biktima matapos nagtamo ng sugat sa kaliwang bahagi ng katawan malapit sa pelvic bone.

Inaalam pa ng pulisya kung may lisensiya ang baril.

Haharap sa kasong attempted homicide si Mato.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.