Dating pulis, 16 iba pa arestado sa drug raid sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 10:07 AM | Updated as of Jan 31 2018 10:08 AM

MAYNILA - Labimpito ang arestado, kabilang ang isang dating pulis, nang lusubin ng mga pulis ang isang umano'y drug den sa Quezon City, Martes ng hapon.

Ayon kay Rossel Cejas, ng Quezon City police Station 6, target ng kanilang operasyon ang isang Reha Salengga na inaakusahang drug pusher.

Dalawang linggo aniya nilang minanmanan ang bahay ng suspek sa Barangay Old Balara. Sa proseso, nakabili pa ang mga asset ng pulis ng aabot sa P500 halaga ng shabu.

Sa cellphone video mula sa mga asset, makikita rin ang kaibigan ni Salengga na si Regine Catapusan habang nagbabalot ng foil at nagbibigay ng kasamahan nilang gumagamit naman ng droga.

Sa bisa ng search warrant, at bilang bahagi ng "Double Barrel Operation" ng mga pulis, pinasok ng mga awtoridad ang bahay ng suspek, na sa labas ay bidyo karera lamang.

Kabilang sa 17 nahuli si Rodolfo Aspril, dating pulis. Depensa niya, nagbibidyo karera lang siya nang maganap ang raid pero aminadong nakagamit siya ng droga noong nakaraang gabi.

Ang iba pang naaresto ay kinilalang sina Joselito Bugay, Warly Gastador, Rodel Zamora, Buen Dinaga, Roel Bulanon, Gladys Romero, Jerome Guevarra, Restituto Santos, Roland Neri, Leo Espinosa, JC Membela, Mabel Puquindo, Joel Canales, at si Aladin Ablay.

Ayon sa pulisya, halos lahat ng nahuli ay nasa watchlist na ng barangay at dati na rin nilang nakausap. Aabot sa P170,000 ang halaga ng 37 sachet ng shabu ang nasabat ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.