Batuta, hindi baril: Pag-aarmas sa mga tanod, ilegal - DILG

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 11:13 AM | Updated as of Jul 31 2019 04:17 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Binigyang-diin ng Department of the Interior and Local Government na ipinagbabawal ang pag-aarmas ng baril sa mga barangay tanod. 

Ayon kay DILG officer-in-charge Eduardo Año, ang mga tanod ay itinuturing na police auxiliary units at bawal armahan ang mga ito, batay sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Maaari lamang aniyang magdala ng rehistradong baril ang mga empleyado ng gobyernong may permanenteng posisyon, at hindi sakop nito ang mga tanod.

Batuta, teargas, posas, flashlight, at iba pang non-lethal gadgets ang pupuwedeng bitbitin ng mga tanod sa kanilang trabaho, giit ng dating hepe ng Armed Forces of the Philippines.

Sa muling pagbabalik ng Oplan Tokhang, makakasama ulit ng pulisya ang mga opisyal ng barangay, at ang maging mga tanod, sa kanilang pangangatok sa mga hinihinalang adik o tulak ng ilegal na droga.

Matatandaang nitong nagdaang Disyembre, nasangkot ang mga tanod sa pamamaril na ikinamatay ng dalawang inosenteng sibilyan sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong.

Lumitaw sa imbestigasyon na hindi pala ang mismong hinahabol ng pulisya ang napaulanan ng bala ng mga tanod at pulis nang gabing iyon.--ulat ni Henry Atuelan, DZMM