Babae patay, kasambahay sugatan nang pagsasaksakin ng magnanakaw sa Bacolod

Meneil Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 07:38 PM | Updated as of Jan 31 2018 11:22 PM

BACOLOD CITY - Patay ang isang babae habang sugatan ang kaniyang kasambahay nang pagsasaksakin sila ng isang magnanakaw sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Granada, Miyerkoles.

Nagtamo ng 13 saksak sa katawan ang may-ari ng bahay na si Nunistell Mae Lee ng pagsasaksakin ng suspek na si Sandy Sevilla.

Ayon sa mga pulis, madaling araw pa umano nagmanman sa bahay si Sevilla. Nagtago ito sa banyo upang maghintay ng magandang pagkakataon para magnakaw, ngunit nang pumasok si Lee sa banyo ay nabigla ang suspek at tinadtad na ito ng saksak.

Sabi ni Sevilla, sinaksak niya ang biktima dahil nataranta siya nang sumigaw ito.

Nagtamo rin ng 2 saksak ang kasambahay na si Mary Grace Mupada na nakalabas pa ng bahay at nakahingi ng tulong.

Giit ng suspek, pagnanakaw lang sana ang kaniyang pakay at walang planong patayin ang mga nasa loob ng bahay.

Dagdag niya, nagawa niya ang krimen upang matustusan ang pangangailangan ng 8-buwang gulang na anak na may sakit.

Ayon kay Sevilla, hindi sapat ang naiuuwi niyang pera matapos masuspende sa trabaho bilang guwardya dahil sa madalas na late na pagpasok.

Haharap si Sevilla sa kasong frustrated robbery with homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.