20 bahay sa Cainta, natupok

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 04:46 AM

Tinupok ng apoy ang 20 bahay sa isang sunog sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal Martes ng gabi.

Sumiklab ang sunog pasado alas-10 ng gabi sa bahay ng isang Angel Soriano.

Para sa mga residente, tila naulit lamang ang pangyayari. Hindi kasi ito ang unang pagkakataon na nangyari ang sunog sa kanilang lugar.

"Pangalawang beses na 'yan. January 8, 2013 'yung una. Sa parehong bahay din. Gumagamit kasi ang mga 'yun eh," ayon kay Jimmy Sacle, isa sa mga pamilyang nasunugan.

Idineklarang fire out ang insidente bago mag-ala-1 ng madaling araw.

"Masikip ang mga kalsada tapos andami pang mga tao," ayon kay FO1 Rolando Atanacio ng Bureau of Fire Protection sa Cainta.

Wala namang nasaktan sa insidente. Inaalam pa ng mga bombero ang sanhi at magkano ang kabuuang halaga ng pinsala. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.