Si Dexter Santos Valenton ang kauna-unahang katutubong Aeta mula sa Pampanga na nakapasa sa Criminologist Licensure Exam. Retrato mula kay Valenton
Abot-langit ang pasasalamat ni Dexter Santos Valenton matapos makapasa sa katatapos lang na Criminologist Licensure Exam.
Nitong Enero inilabas ang listahan ng mga nakapasa at sa higit 33,000 kumuha ng pagsusulit, isa si Dexter sa higit 11,000 nakapasa.
Tubong-Barangay San Ramon sa bayan ng Floridablanca, Pampanga si Valenton, ang kauna-unahang katutubong Aeta sa probinsiya na kumuha at pumasa sa nasabing pagsusulit.
Nagtapos si Valenton, na scholar ng provincial government ng Pampanga, ng BS Criminology noong nakaraang taon.
"Tagumpay ang pangarap ng provincial government sa mga kabataang Aeta na matapos sa kanilang pag-aaral," sabi ni Elizabeth Baybayan, social welfare officer ng probinsiya.
"Mayroon silang food assistance, mayroon silang dormitory, libre sila sa uniform, sapatos, slippers, binibigay lahat ng kapitolyo... given the importance na mabigyan mo talaga sila ng tulong, 'yong pangarap nila ay may katuparan," ani Baybayan.
Ipinagmamalaki si Valenton hindi lang ng kaniyang pamilya at komunidad kundi pati ng pambansang pulisya.
"Magandang implication po 'yan dahil ito ay magsisilbing inspirasyon po sa mga katutubo po nating Aeta na hindi po hadlang 'yong kanilang pagiging minority para makamit nila 'yong kanilang mga pangarap," ani Philippine National Police Spokesperson Col. Jean Fajardo.
"Welcome po sila definitely sa hanay po ng ating mga kapulisan," dagdag niya.
Puwede nang mag-apply online sa pulisya ang mga nakapasa sa exam sa pamamagitan ng PNP website. Kailangan lang umanong maipasa ang physical, medical at psychiatric test bago masama sa recruitment quota ng PNP.
— Ulat ni Gracie Rutao
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.